13 At sinabi ni David kay Nathan, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.
14 Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.
15 At si Nathan ay umuwi sa kaniyang bahay. At sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at totoong malubha.
16 Ipinanalangin nga ni David sa Dios ang bata; at si David ay nagaayuno, at pumapasok, at humihiga buong gabi sa lupa.
17 At bumabangon ang mga matanda sa kaniyang bahay, at tumatayo sa siping niya, upang itindig siya sa lupa; nguni't siya'y ayaw kahit kumain ng tinapay na kasalo nila.
18 At nangyari, nang ikapitong araw, na ang bata ay namatay. At nangatakot ang mga lingkod ni David na saysayin sa kaniya na ang bata ay patay na: sapagka't kanilang sinabi, Narito, samantalang ang bata ay buhay pa, tayo ay nakipagsalitaan sa kaniya, at hindi siya nakinig sa ating tinig: gaano ngang ikababagabag niya kung ating sasabihin sa kaniya na ang bata ay patay na?
19 Nguni't nang makita ni David na ang kaniyang mga lingkod ay nagbubulong-bulungan, nahalata ni David na ang bata ay patay na: at sinabi ni David sa kaniyang mga lingkod, Patay na ba ang bata? At kanilang sinabi, Siya'y patay na.