1 At nangyari, pagkatapos nito, na si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na babae na maganda, na ang pangala'y Thamar; at sininta siya ni Amnon na anak ni David.
2 At si Amnon ay totoong nagdamdam, na anopa't siya'y nagkasakit dahil sa kaniyang kapatid na kay Thamar; sapagka't siya'y dalaga; at inaakala ni Amnon na mahirap gawan siya ng anomang bagay.
3 Nguni't si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Simea na kapatid ni David: at si Jonadab ay isang lalaking totoong magdaraya.
4 At sinabi niya sa kaniya, Bakit, Oh anak ng hari, sa araw araw ay nangangayayat kang ganyan? hindi mo ba sasaysayin sa akin? At sinabi ni Amnon sa kaniya, Aking sinisinta si Thamar na kapatid ng aking kapatid na si Absalom.
5 At sinabi ni Jonadab sa kaniya, Mahiga ka sa iyong higaan, at magsakitsakitan ka: at pagka ang iyong ama ay naparoon upang tingnan ka, sabihin mo sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na bayaang ang aking kapatid na si Thamar ay pumarito, at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking paningin upang aking makita, at kanin sa kaniyang kamay.
6 Sa gayo'y nahiga si Amnon at nagsakitsakitan: at nang pumaroon ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, Isinasamo ko sa iyo na bayaang pumarito ang aking kapatid na si Thamar, at igawa ako ng dalawang tinapay na maliit sa aking paningin upang aking makain sa kaniyang kamay.
7 Nang magkagayo'y nagsugo si David sa bahay kay Thamar, na sinasabi, Pumaroon ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon, at ipaghanda mo siya ng pagkain.