3 Sinabi ng Dios ng Israel, Ang malaking bato ng Israel ay nagsalita sa akin: Ang naghahari sa mga tao na may katuwiran, Na mamamahala sa katakutan sa Dios,
4 Siya'y magiging gaya ng liwanag sa kinaumagahan pagka ang araw ay sumisikat, Sa isang umagang walang mga alapaap; Pagka ang malambot na damo ay sumisibol sa lupa, Sa maliwanag na sikat pagkatapos ng ulan.
5 Katotohanang ang aking sangbahayan ay hindi gayon sa Dios; Gayon ma'y nakipagtipan siya sa akin ng isang tipang walang hanggan, Maayos sa lahat ng mga bagay, at maasahan: Sapagka't siyang aking buong kaligtasan, at buong nasa. Bagaman hindi niya pinatubo.
6 Nguni't ang mga di banal ay ipaghahagis na gaya ng mga tinik, Sapagka't hindi nila matatangnan ng kamay:
7 Kundi ang lalake na humipo sa kanila, Marapat magsakbat ng bakal at ng puluhan ng sibat; At sila'y lubos na susunugin ng apoy sa kanilang kinaroroonan.
8 Ito ang mga pangalan ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: Si Josebbasebet na Tachemonita, na pinuno ng mga kapitan; na siya ring si Adino na Eznita, na siyang dumaluhong laban sa walong daan na nangapatay ng paminsan.
9 At pagkatapos niya'y si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita, na isa sa tatlong malalakas na lalake na kasama ni David, nang sila'y mangakipagaway sa mga Filisteo, na nangapipisan doon upang makipagbaka, at ang mga lalake ng Israel ay nagsialis: