Daniel 2:43-49 TLAB

43 At yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng putik na luto, sila'y magkakahalo ng lahi ng mga tao; nguni't hindi sila magkakalakipan, gaya ng bakal na hindi lumalakip sa putik.

44 At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man.

45 Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao'y tapat.

46 Nang magkagayo'y ang haring Nabucodonosor ay nagpatirapa, at sumamba kay Daniel, at nagutos na sila'y maghandog ng alay at ng may masarap na amoy sa kaniya.

47 Ang hari ay sumagot kay Daniel, at nagsabi, Sa katotohanan ang inyong Dios ay Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga lihim, yamang ikaw ay nakapaghayag ng lihim na ito.

48 Nang magkagayo'y pinadakila ng hari si Daniel, at binigyan siya ng maraming dakilang kaloob, at pinapagpuno siya sa buong lalawigan ng Babilonia, at pinapaging pangulo ng mga tagapamahala sa lahat na pantas sa Babilonia.

49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kaniyang inihalal, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; nguni't si Daniel ay nasa pintuang-daan ng hari.