26 At yamang kanilang iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay tunay na magiging iyo, pagkatapos na iyong maalaman na ang mga langit ay nagpupuno.
27 Kaya't, Oh hari, tanggapin mo ang aking payo, at lansagin mo ng katuwiran ang iyong mga kasalanan, at ng pagpapakita ng kaawaan sa dukha ang iyong katampalasanan; baka sakaling ikatibay ng iyong katiwasayan.
28 Lahat ng ito'y sumapit sa haring Nabucodonosor.
29 Sa katapusan ng labing dalawang buwan ay lumalakad siya sa palacio ng hari sa Babilonia.
30 Ang hari ay nagsalita, at nagsabi, Hindi baga ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo na pinaka tahanang hari, sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan at sa ikaluluwalhati ng aking kamahalan?
31 Samantalang ang salita ay nasa bibig pa ng hari, ay may isang tinig na nanggaling sa langit, na nagsasabi, Oh haring Nabucodonosor, sa iyo'y sinalita: Ang kaharian ay mahihiwalay sa iyo.
32 At ikaw ay palalayasin sa mga tao; at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang; ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka; at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay sa kanino mang kaniyang ibigin.