33 Nang oras ding yaon ay natupad ang bagay kay Nabucodonosor: at siya'y pinalayas sa mga tao, at kumain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kaniyang buhok ay lumagong parang balahibo ng mga aguila, at ang kaniyang mga kuko ay parang mga kuko ng mga ibon.
34 At sa katapusan ng mga kaarawan, akong si Nabucodonosor ay nagtaas ng aking mga mata sa langit, at ang aking unawa ay nanumbalik sa akin, at aking pinuri ang Kataastaasan, at aking pinuri at pinarangalan ko siya na nabubuhay magpakailan man; sapagka't ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, at ang kaniyang kaharian ay sa sali't saling lahi;
35 At ang lahat na mananahan sa lupa ay nabilang sa wala; at kaniyang ginagawa ang ayon sa kaniyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga mananahan sa lupa; at walang makahahadlang sa kaniyang kamay, o makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo?
36 Sa oras ding yaon ay nanumbalik sa akin ang aking unawa; at sa ikaluluwalhati ng aking kaharian, ay nanumbalik sa akin ang aking kamahalan at kakinangan; at hinanap ako ng aking mga kasangguni at mga mahal na tao; at ako'y natatag sa aking kaharian, at marilag na kadakilaan ay nadagdag sa akin.
37 Ngayo'y akong si Nabucodonosor ay pumupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagka't ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kaniyang mga daan ay kahatulan; at yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay kaniyang mapabababa.