21 At siya'y pinalayas sa mga anak ng mga tao, at ang kaniyang puso ay naging gaya ng sa mga hayop, at ang kaniyang tahanan ay napasama sa maiilap na mga asno; siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kaniyang naalaman na ang Kataastaasang Dios ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at iniluklok niya roon ang sinomang kaniyang ibigin.
22 At ikaw na kaniyang anak, Oh Belsasar, hindi mo pinapagpakumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat na ito,
23 Kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit; at kanilang dinala ang mga kasangkapan ng kaniyang bahay sa harap mo, at ikaw, at ang iyong mga mahal na tao, ang iyong mga asawa at ang iyong mga babae, ay nagsiinom ng alak sa mga yaon; at iyong pinuri ang mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man; at ang Dios na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati.
24 Nang magkagayo'y ang bahagi nga ng kamay ay sinugo mula sa harap niya, at ang sulat na ito'y nalagda.
25 At ito ang sulat na nalagda, MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang ng Dios ang iyong kaharian, at niwakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay nasumpungang kulang.