3 Nang magkagayo'y dinala nila ang mga gintong sisidlan na kinuha sa templo ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at ininuman ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, at ng kaniyang mga asawa at ng kaniyang mga babae.
4 Sila'y nangaginuman ng alak, at nagsipuri sa mga dios na ginto, at pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding yaon ay may lumabas na mga daliri ng kamay ng isang tao at sumulat sa tapat ng kandelero sa panig na may palitada ng palacio: at nakita ng hari ang bahagi ng kamay na sumulat.
6 Nang magkagayo'y nagbago ang pagmumukha ng hari, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip; at ang pagkakasugpong ng kaniyang mga balakang ay nakalag, at ang kaniyang mga tuhod ay nagkaumpugan.
7 Ang hari ay sumigaw ng malakas, na papasukin ang mga enkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi sa mga pantas sa Babilonia, Sinomang makababasa ng sulat na ito, at makapagpapaaninaw sa akin ng kahulugan niyan, magdadamit ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg, at magiging ikatlong puno sa kaharian.
8 Nang magkagayo'y nagsipasok ang lahat na pantas ng hari; nguni't hindi nila nabasa ang sulat, o naipaaninaw man sa hari ang kahulugan niyaon.
9 Nang magkagayo'y nabagabag na mainam ang haring Belsasar, at ang kaniyang pagmumukha ay nabago, at ang kaniyang mga mahal na tao ay nangatitigilan.