21 Sinabi nga ni Daniel sa hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.
22 Ang Dios ko'y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan; palibhasa'y sa harap niya ay nasumpungan akong walang sala; at gayon din sa harap mo, Oh hari, wala akong ginawang kasamaan.
23 Nang magkagayo'y natuwang mainam ang hari, at ipinagutos na kanilang isampa si Daniel mula sa yungib. Sa gayo'y isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat nasumpungan sa kaniya, sapagka't siya'y tumiwala sa kaniyang Dios.
24 At ang hari ay nagutos, at kanilang dinala ang mga lalaking yaon na nagsumbong laban kay Daniel, at sila'y inihagis nila sa yungib ng mga leon, sila ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa; at ang leon ay nanaig sa kanila, at pinagwaraywaray ang lahat ng kanilang buto, bago sila dumating sa kalooblooban ng yungib.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na tumatahan sa buong lupa; Kapayapaa'y managana sa inyo.
26 Ako'y nagpapasiya, na sa lahat ng sakop ng aking kaharian ay magsipanginig at mangatakot ang mga tao sa harap ng Dios ni Daniel; sapagka't siya ang buhay na Dios, at namamalagi magpakailan man, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba; at ang kaniyang kapangyarihan ay magiging hanggang sa wakas.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya, at siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, na siyang nagligtas kay Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.