6 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at mga satrapang ito ay nagpisan sa hari, at nagsabi ng ganito sa kaniya, Haring Dario, mabuhay ka magpakailan man.
7 Ang lahat ng pangulo ng kaharian, ang mga kinatawan at mga satrapa, ang mga kasangguni at ang mga gobernador, ay nangagsanggunian upang magtatag ng isang palatuntunang hari sa kaharian, at upang maglagda ng isang pasiyang mahigpit, na sinomang humingi ng isang kahilingan sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, Oh hari, papagtibayin mo ang pasiya, at lagdaan mo ng iyong pangalan ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.
9 Kaya't ang kasulatan at ang pasiya ay nilagdaan ng pangalan ng haring Dario.
10 At nang maalaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan ng pangalan siya'y pumasok sa kaniyang bahay (ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong Jerusalem); at siya'y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito, at nasumpungan si Daniel na sumasamo at dumadaing sa harap ng kaniyang Dios.
12 Nang magkagayo'y lumapit sila, at nagsalita sa harap ng hari ng tungkol sa pasiya ng hari, Hindi ka baga naglagda ng pasiya, na bawa't tao na humingi sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon? Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Ang bagay ay tunay, ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.