Daniel 9:12-18 TLAB

12 At kaniyang pinagtibay ang kaniyang mga salita, na kaniyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga hukom na nagsihatol sa amin, sa pagbabagsak sa amin ng malaking kasamaan; sapagka't sa silong ng buong langit ay hindi ginawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem.

13 Kung ano ang nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kasamaang ito'y nagsidating sa amin: gayon ma'y hindi namin idinalangin ang biyaya ng Panginoon naming Dios, upang aming talikuran ang aming mga kasamaan, at gunitain ang iyong katotohanan.

14 Kaya't iniingatan ng Panginoon ang kasamaan, at ibinagsak sa amin; sapagka't ang Panginoon naming Dios ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga gawa na kaniyang ginagawa, at hindi namin dininig ang kaniyang tinig.

15 At ngayon, Oh Panginoon naming Dios, na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ikaw ay nabantog gaya sa araw na ito; kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa na may kasamaan.

16 Oh Panginoon, ayon sa iyong buong katuwiran, isinasamo ko sa iyo, na ang iyong galit at kapusukan ay mahiwalay sa iyong bayang Jerusalem, na iyong banal na bundok; sapagka't dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang iyong bayan ay naging kakutyaan sa lahat na nangasa palibot namin.

17 Kaya nga, Oh aming Dios, iyong dinggin ang panalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang mga samo, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuario na sira, alangalang sa Panginoon.

18 Oh Dios ko, ikiling mo ang iyong tainga, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga kasiraan, at ang bayan na tinatawag sa iyong pangalan: sapagka't hindi namin inihaharap ang aming mga samo sa harap mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang mga kaawaan.