16 Oh Panginoon, ayon sa iyong buong katuwiran, isinasamo ko sa iyo, na ang iyong galit at kapusukan ay mahiwalay sa iyong bayang Jerusalem, na iyong banal na bundok; sapagka't dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang iyong bayan ay naging kakutyaan sa lahat na nangasa palibot namin.
17 Kaya nga, Oh aming Dios, iyong dinggin ang panalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang mga samo, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuario na sira, alangalang sa Panginoon.
18 Oh Dios ko, ikiling mo ang iyong tainga, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga kasiraan, at ang bayan na tinatawag sa iyong pangalan: sapagka't hindi namin inihaharap ang aming mga samo sa harap mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang mga kaawaan.
19 Oh Panginoon, dinggin mo; Oh Panginoon, patawarin mo; Oh Panginoon, iyong pakinggan at gawin; huwag mong ipagpaliban, alangalang sa iyong sarili, Oh Dios ko, sapagka't ang iyong bayan at ang iyong mga tao ay tinatawag sa iyong pangalan.
20 At samantalang ako'y nagsasalita, at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harap ng Panginoon kong Dios dahil sa banal na bundok ng aking Dios;
21 Oo, samantalang ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, na pinalipad ng maliksi, hinipo ako sa panahon ng pagaalay sa hapon.
22 At kaniya akong tinuruan, at nakipagsalitaan sa akin, at nagsabi, Oh Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at kaunawaan.