2 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya: Ihanap ng magagandang batang dalaga ang hari:
3 At maghalal ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kaniyang kaharian, upang kanilang mapisan ang lahat na magandang batang dalaga sa Susan na bahay-hari, sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na kamarero ng hari, na tagapagingat ng mga babae; at ibigay sa kanila ang kanilang mga bagay na kailangan sa paglilinis:
4 At ang dalaga na kalugdan ng hari ay maging reina na kahalili ni Vasthi. At ang bagay ay nakalugod sa hari; at ginawa niyang gayon.
5 May isang Judio sa Susan na bahay-hari, na ang pangala'y Mardocheo, na anak ni Jair, na anak ni Simi, na anak ni Cis na Benjamita;
6 Na nadala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nangadalang kasama ni Jechonias na hari sa Juda, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.
7 At pinalaki niya si Hadasa, sa makatuwid baga'y si Esther, na anak na babae ng kaniyang amain: sapagka't siya'y wala kahit ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at may mabuting anyo; at nang mamatay ang kaniyang ama't ina inari siya ni Mardocheo na parang tunay na anak.
8 Sa gayo'y nangyari nang mabalitaan ang utos ng hari at ang kaniyang pasiya, at nang napipisan ang maraming dalaga sa Susan na bahay-hari, sa pamamahala ni Hegai, na si Esther ay dinala sa bahay ng hari, sa pamamahala ni Hegai, na tagapagingat sa mga babae.