5 May isang Judio sa Susan na bahay-hari, na ang pangala'y Mardocheo, na anak ni Jair, na anak ni Simi, na anak ni Cis na Benjamita;
6 Na nadala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nangadalang kasama ni Jechonias na hari sa Juda, na dinala ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.
7 At pinalaki niya si Hadasa, sa makatuwid baga'y si Esther, na anak na babae ng kaniyang amain: sapagka't siya'y wala kahit ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at may mabuting anyo; at nang mamatay ang kaniyang ama't ina inari siya ni Mardocheo na parang tunay na anak.
8 Sa gayo'y nangyari nang mabalitaan ang utos ng hari at ang kaniyang pasiya, at nang napipisan ang maraming dalaga sa Susan na bahay-hari, sa pamamahala ni Hegai, na si Esther ay dinala sa bahay ng hari, sa pamamahala ni Hegai, na tagapagingat sa mga babae.
9 At ang dalaga ay nakalugod sa kaniya, at nilingap niya; at nagbigay siyang madali sa kaniya ng mga bagay na ukol sa paglilinis, pati ng mga bahagi niya, at ng pitong dalaga na marapat na ibigay sa kaniya, na mula sa bahay ng hari: at inilipat niya siya at ang kaniyang mga dalaga sa pinaka mabuting dako ng bahay ng mga babae.
10 Hindi ipinakilala ni Esther ang kaniyang bayan o ang kaniyang kamaganakan man; sapagka't ibinilin sa kaniya ni Mardocheo na huwag niyang ipakilala.
11 At si Mardocheo ay lumakad araw-araw sa harap ng looban ng bahay ng mga babae, upang maalaman kung anong ginagawa ni Esther, at kung ano ang mangyayari sa kaniya.