10 Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Atach, at nagpasabi kay Mardocheo, na sinasabi,
11 Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nangakakaalam, na sinoman, maging lalake o babae, na paroroon sa hari sa pinakaloob na looban, na hindi tinatawag, may isang kautusan sa kaniya, na siya'y patayin, liban yaong paglawitan ng hari ng gintong cetro, upang siya'y mabuhay: nguni't hindi ako tinawag na paroon sa hari ng tatlong pung araw na ito.
12 At isinaysay nila kay Mardocheo ang mga salita ni Esther.
13 Nang magkagayo'y pinapagbalik ng sagot sila ni Mardocheo kay Esther: Huwag mong isipin sa iyong sarili na ikaw ay makatatanan sa bahay ng hari, ng higit kay sa lahat na mga Judio.
14 Sapagka't kung ikaw ay lubos na tumahimik sa panahong ito, ay magtataglay nga ng katiwasayan at kaligtasan ang mga Judio sa ibang dako, nguni't ikaw at ang sangbahayan ng iyong magulang ay mapapahamak: at sinong nakakaalam na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?
15 Nang magkagayo'y nagpabalik ng sagot si Esther kay Mardocheo:
16 Ikaw ay yumaon, pisanin mo ang lahat na Judio, na nangakaharap sa Susan, at ipagayuno ninyo ako, at huwag kayong magsikain o magsiinom man na tatlong araw, gabi o araw; ako naman at ang aking mga dalaga ay mangagaayuno ng gayon ding paraan; at sa gayo'y papasukin ko ang hari, na hindi ayon sa kautusan: at kung ako'y mamatay ay mamatay.