1 Nangyari nga, nang ikatlong araw, na nagsuot si Esther ng kaniyang bihisang pagkareina, at tumayo sa pinakaloob ng bahay ng hari, sa tapat ng bahay-hari; at ang hari ay naupo sa kaniyang luklukang hari sa bahay-hari, sa tapat ng pasukan sa bahay.
2 At nagkagayon, nang makita ng hari si Esther na reina na nakatayo sa looban, na siya'y nagtamo ng biyaya sa kaniyang paningin: at inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro na nasa kaniyang kamay. Sa gayo'y lumapit si Esther, at hinipo ang dulo ng cetro.
3 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa kaniya, Anong ibig mo, reina Esther? at ano ang iyong hiling? mabibigay sa iyo kahit kalahati ng kaharian.
4 At sinabi ni Esther, Kung inaakalang mabuti ng hari, pumaroon sa araw na ito ang hari at si Aman sa pigingan na aking inihanda sa kaniya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Papagmadaliin si Aman upang magawa ang gaya ng sinabi ni Esther. Sa gayo'y naparoon ang hari at si Aman sa pigingan na inihanda ni Esther.
6 At sinabi ng hari kay Esther sa pigingan ng alak: Ano ang iyong hingi? at ipagkakaloob sa iyo at ano ang iyong hiling? kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob.
7 Nang magkagayo'y sumagot si Esther, at nagsabi, Ang aking hingi at ang aking hiling ay ito;