15 At ang hari sa Egipto ay nagsalita sa mga hilot na Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Siphra, at ang pangalan ng isa ay Phua:
16 At kaniyang sinabi, Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea, at pagtingin ninyo sa kanila sa dakong panganganakan; kung lalake, ay papatayin nga ninyo: datapuwa't kung babae ay inyong bubuhayin.
17 Datapuwa't ang mga hilot ay nangatakot sa Dios at hindi ginawa ang gaya ng iniutos sa kanila ng hari sa Egipto, kundi iniligtas na buhay ang mga batang lalake.
18 At ipinatawag ng hari sa Egipto ang mga hilot, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito, at inyong iniligtas na buhay ang mga batang lalake?
19 At sinabi ng mga hilot kay Faraon, Sapagka't ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Egipcia; sapagka't sila'y maliliksi, at nakapanganak na, bago dumating ang hilot sa kanila.
20 At ang Dios ay gumawa ng mabuti sa mga hilot: at ang bayan ay kumapal, at naging totoong makapangyarihan.
21 At nangyari, na sapagka't ang mga hilot ay natakot sa Dios, ay iginawa niya sila ng mga sangbahayan.