10 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumainyo nawa ang Panginoon, na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: magingat kayo; sapagka't ang kasamaan ay nasa harap ninyo.
11 Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalake, at maglingkod sa Panginoon; sapagka't iyan ang inyong ninanasa. At sila'y pinaalis sa harap ni Faraon.
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Egipto, upang magdala ng mga balang, at bumaba sa lupain ng Egipto, at kumain ng lahat na halaman sa lupain, yaong lahat na iniwan ng granizo.
13 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa lupain ng Egipto, at ang Panginoo'y nagpahihip ng hanging silanganan sa lupain ng buong araw na yaon, at ng buong gabi; at nang maumaga, ang hanging silanganan ay nagdala ng mga balang.
14 At ang mga balang ay bumaba sa buong lupain ng Egipto, at nagsipagpahinga sa lahat ng hangganan ng Egipto; totoong napakakapal; bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon.
15 Sapagka't tinakpan ng mga yaon ang balat ng buong lupa, na ano pa't ang lupain ay nagdilim; at kinain ang lahat na halaman sa lupain, at ang lahat na bunga ng mga kahoy na iniwan ng granizo; at walang natirang anomang sariwang bagay, maging sa punong kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Egipto.
16 Nang magkagayo'y tinawag na madali ni Faraon si Moises at si Aaron, at kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo.