2 At upang iyong maisaysay sa mga pakinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Egipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong maalaman, na ako ang Panginoon.
3 At pinasok ni Moises at ni Aaron si Faraon at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, Hanggang kailan tatanggi kang mangayupapa sa harap ko? payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
4 O kung tatanggihan mong payaunin ang aking bayan, ay narito, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong hangganan:
5 At kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupa, na walang makakakita ng ibabaw ng lupa: at kanilang kakanin ang naiwan sa nangaligtas, na itinira sa inyo ng granizo, at kanilang kakanin ang bawa't kahoy na itinutubo sa inyo ng parang:
6 At ang inyong mga bahay ay mapupuno, at ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Egipcio: na hindi nakita ng inyong mga magulang, mula nang araw na sila'y mapasa lupa hanggang sa araw na ito. At siya'y pumihit at nilisan si Faraon.
7 At sinabi sa kaniya ng mga lingkod ni Faraon, Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin mo ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas, na ang Egipto'y giba na?
8 At si Moises at si Aaron ay pinapagbalik kay Faraon, at kaniyang sinabi sa kanila, Kayo'y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwa't sino sino yaong magsisiyaon?