1 Sa ikatlong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Egipto, ay dumating sila ng araw ding yaon sa ilang ng Sinai.
2 At nang sila'y umalis sa Rephidim, at dumating sa ilang ng Sinai, ay humantong sila sa ilang; at doo'y humantong ang Israel sa harap ng bundok.
3 At si Moises ay lumapit sa Dios, at tinawag ng Panginoon siya mula sa bundok, na sinasabi, Ganito mo sasabihin sa sangbahayan ni Jacob, at sasaysayin sa mga anak ni Israel.
4 Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Egipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin din.
5 Kaya't ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig, at iingatan ang aking tipan, ay magiging isang tanging kayamanan nga kayo sa akin, na higit sa lahat ng bayan: sapagka't ang buong lupa ay akin;
6 At kayo'y magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin, at isang banal na bansa. Ito ang mga salita na inyong sasalitaan sa mga anak ni Israel.
7 At dumating si Moises at tinawag ang mga matanda sa bayan, at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kaniya.