23 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa dakong langit; at ang Panginoo'y nagsugo ng kulog at granizo, at may apoy na lumagpak sa lupa; at ang Panginoo'y nagpaulan ng granizo sa lupain ng Egipto.
24 Sa gayo'y nagkaroon ng granizo at apoy, na nagniningning sa granizo, at napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Egipto mula nang maging bansa.
25 At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Egipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.
26 Sa lupain lamang ng Gosen, na kinaroroonan ng mga anak ni Israel, hindi nagkaroon ng granizo.
27 At si Faraon ay nagsugo, at ipinatawag si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, Ako'y nagkasala ngayon: ang Panginoo'y matuwid; at ako at ang aking bayan ay masama.
28 Dalanginan ninyo ang Panginoon; sapagka't nagkaroon na ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking payayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.
29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Pagkalabas ko sa bayan, ay aking ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anomang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y sa Panginoon.