3 Oh aking bundok sa parang, aking ibibigay sa pagkasamsam ang iyong mga tinatangkilik sa lahat ng iyong lupa at ang lahat ng iyong mga kayamanan, at ang iyong mga mataas na dako, dahil sa kasalanan, sa lahat ng iyong hangganan.
4 At ikaw, sa makatuwid baga'y ang iyong sarili, mawawalaan ka ng iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at paglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala: sapagka't pinapagningas ninyo ang aking galit na magniningas magpakailan man.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.
6 Sapagka't siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, lupaing maalat at hindi tinatahanan.
7 Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.
8 Sapagka't siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.
9 Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?