18 At ngayo'y anong ipakikialam mo sa daan na patungo sa Egipto, upang uminom ng tubig sa Sikor? o anong ipakikialam mo sa daang patungo sa Asiria, upang uminom ng tubig sa ilog?
19 Sasawayin ka ng iyong sariling kasamaan, at sasawayin ka ng iyong mga pagtalikod: talastasin mo nga at iyong tingnan na masamang bagay at kapanglawpanglaw, na iyong pinabayaan ang Panginoon mong Dios: at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
20 Sapagka't nang unang panahon ay inalis ko ang iyong pamatok, at nilagot ko ang iyong mga tali; at iyong sinabi: Hindi ako maglilingkod; sapagka't sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy ay yumuko ka, na nagpatutot.
21 Gayon ma'y tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa akin?
22 Sapagka't bagaman maghugas ka ng lihiya, at magbunton ka ng maraming sabon, gayon ma'y natatala sa harap ko ang iyong kasamaan, sabi ng Panginoong Dios.
23 Paanong masasabi mo, Hindi ako nagpakahawa, hindi ako yumaong sumunod sa mga Baal? tingnan mo ang iyong daan sa libis, talastasin mo kung ano ang iyong ginawa: ikaw na maliksing dromedario na dumadamba sa paglakad;
24 Isang asnong babaeng mailap na sanay sa ilang na sumisingasing sa kaniyang nais; sa kaniyang pagkakataon, sinong makapagliligaw sa kaniya? silang lahat na nagsisihanap sa kaniya ay hindi mapapagod: sa kaniyang kabuwanan ay masusumpungan siya.