21 Gayon ma'y tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa akin?
22 Sapagka't bagaman maghugas ka ng lihiya, at magbunton ka ng maraming sabon, gayon ma'y natatala sa harap ko ang iyong kasamaan, sabi ng Panginoong Dios.
23 Paanong masasabi mo, Hindi ako nagpakahawa, hindi ako yumaong sumunod sa mga Baal? tingnan mo ang iyong daan sa libis, talastasin mo kung ano ang iyong ginawa: ikaw na maliksing dromedario na dumadamba sa paglakad;
24 Isang asnong babaeng mailap na sanay sa ilang na sumisingasing sa kaniyang nais; sa kaniyang pagkakataon, sinong makapagliligaw sa kaniya? silang lahat na nagsisihanap sa kaniya ay hindi mapapagod: sa kaniyang kabuwanan ay masusumpungan siya.
25 Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang suot, at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw. Nguni't iyong sinabi, Walang kabuluhan; hindi, sapagka't ako'y umibig sa mga taga ibang lupa, at sa kanila'y susunod ako.
26 Kung paanong ang magnanakaw ay napapahiya pagka siya'y nahuhuli, gayon napapahiya ang sangbahayan ni Israel; sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga prinsipe, at ang kanilang mga saserdote, at ang kanilang mga propeta,
27 Na nangagsasabi sa kahoy, Ikaw ay aking ama; at sa bato, Iyong ipinanganak ako: sapagka't kanilang ipinihit ang kanilang likod sa akin, at hindi ang kanilang mukha: nguni't sa panahon ng kanilang kabagabagan ay sasabihin nila, Ikaw ay bumangon, at iligtas mo kami.