1 At nangyari nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, na ang salitang ito ay dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 Kumuha ka ng isang balumbon, at iyong isulat doon ang lahat na salita na aking sinalita sa iyo laban sa Israel, at laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang kaarawan ni Josias, hanggang sa araw na ito.
3 Marahil ay maririnig ng sangbahayan ni Juda ang lahat na kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila; upang humiwalay bawa't isa sa kanila sa kaniyang masamang lakad; upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan.
4 Nang magkagayo'y tinawag ni Jeremias si Baruch na anak ni Nerias; at sinulat ni Baruch ang lahat ng salita ng Panginoon na mula sa bibig ni Jeremias, na sinalita niya sa kaniya, sa balumbon.
5 At si Jeremias ay nagutos kay Baruch, na nagsasabi, Ako'y nakukulong; hindi ako makapasok sa bahay ng Panginoon:
6 Kaya't pumaroon ka, at basahin mo sa balumbon, ang iyong isinulat na mula sa aking bibig, ang mga salita ng Panginoon sa mga pakinig ng bayan sa bahay ng Panginoon sa kaarawan ng pagaayuno; at iyo ring babasahin sa mga pakinig ng buong Juda na lumabas sa kanilang mga bayan.