Jeremias 36:9-15 TLAB

9 Nangyari nga nang ikalimang taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda nang ikasiyam na buwan, na ang buong bayan sa Jerusalem, at ang buong bayan na nanggaling sa mga bayan ng Juda sa Jerusalem, ay nagtanyag ng ayuno sa harap ng Panginoon.

10 Nang magkagayo'y binasa ni Baruch sa balumbon ang mga salita ni Jeremias sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Saphan na kalihim, sa mataas na looban sa pasukan ng bagong pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, sa mga pakinig ng buong bayan.

11 At nang marinig ni Micheas na anak ni Gemarias, na anak ni Saphan, ang lahat na salita ng Panginoon mula sa aklat,

12 Siya'y bumaba sa bahay ng hari, sa loob ng silid ng kalihim: at, narito, lahat ng prinsipe ay nangakaupo roon, si Elisama na kalihim, at si Delaias na anak ni Semeias, at si Elnathan na anak ni Achbor, at si Gemarias na anak ni Saphan, at si Sedechias na anak ni Ananias, at ang lahat na prinsipe.

13 Nang magkagayo'y ipinahayag ni Micheas sa kaniya ang lahat na salita na kaniyang narinig, nang basahin ni Baruch ang aklat sa mga pakinig ng bayan.

14 Kaya't sinugo ng lahat na prinsipe si Jehudi na anak ni Nethanias, na anak ni Selemias, na anak ni Chusi, kay Baruch, na nagsasabi, Tangnan mo sa iyong kamay ang balumbon na iyong binasa sa mga pakinig ng bayan, at parito ka. Sa gayo'y tinangnan ni Baruch na anak ni Nerias ang balumbon sa kaniyang kamay, at naparoon sa kanila.

15 At sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay umupo ngayon, at basahin mo sa aming mga pakinig. Sa gayo'y binasa ni Baruch sa kanilang pakinig.