3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, sa mga tao ng Juda at ng Jerusalem, Inyong bungkalin ang inyong binabayaang bukiran, at huwag kayong maghasik sa gitna ng mga tinik.
4 Magsipagtuli kayo para sa Panginoon, at inyong alisin ang mga kasamaan ng inyong puso, ninyong mga tao ng Juda at mga nananahan sa Jerusalem; baka ang aking kapootan ay sumigalbo na parang apoy, at magningas na walang makapatay, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.
5 Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin, Inyong hipan ang pakakak sa lupain: magsihiyaw kayo ng malakas, at inyong sabihin, Magpisan kayo, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan.
6 Kayo'y mangagtaas ng watawat sa dako ng Sion: kayo'y magsitakas sa ikatitiwasay, huwag kayong magsitigil: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan mula sa hilagaan, at ng malaking paglipol.
7 Ang isang leon ay sumampa mula sa kaniyang kagubatan, at ang manglilipol ng mga bansa; siya'y nasa kaniyang paglalakad, siya'y lumabas mula sa kaniyang dako, upang sirain ang iyong lupain, upang ang iyong mga bayan ay mangalagay na sira na walang mananahan.
8 Dahil dito ay mangagbigkis kayo ng kayong magaspang, kayo'y magsipanaghoy at magsipanangis; sapagka't ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi humihiwalay sa atin.
9 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na ang puso ng hari ay mapapahamak, at ang puso ng mga prinsipe: at ang mga saserdote ay mangatitigilan, at ang mga propeta ay mangamamangha.