12 Ang inyong ina ay mapapahiyang lubha; siyang nanganak sa inyo ay malilito: narito, siya'y magiging pinakahuli sa mga bansa, isang gubatan, isang tuyong lupain, isang ilang.
13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi tatahanan, kundi magiging lubos na sira: bawa't magdaan sa Babilonia ay matitigilan, at susutsot dahil sa kaniyang lahat na pagkasalot.
14 Magsihanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nagsisiakma ng busog; hilagpusan ninyo siya, huwag kayong manganghinayang ng mga pana: sapagka't siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya'y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka't siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya.
16 Ihiwalay ninyo ang manghahasik sa Babilonia, at siyang pumipigil ng karit sa panahon ng pagaani: dahil sa takot sa mamimighating tabak ay babalik bawa't isa sa kaniyang bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.
17 Ang Israel ay parang nakalat na tupa; itinaboy siya ng mga leon: ang unang sumakmal sa kaniya ay ang hari sa Asiria; at si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay siyang huling bumali ng kaniyang mga buto.
18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang kaniyang lupain, gaya ng aking pagkaparusa sa hari sa Asiria.