30 Ang mga makapangyarihan ng Babilonia ay nagsisiurong sa pakikipaglaban, sila'y nanatili sa kanilang mga katibayan; ang kanilang kapangyarihan ay nanglulupaypay; sila'y naging parang mga babae: ang kaniyang mga tahanang dako ay sinilaban; ang kaniyang mga halang ay nabali.
31 Ang isang utusan ay tatakbo upang sumalubong sa iba, at isang sugo upang sumalubong sa iba, upang ibalita sa hari sa Babilonia, na ang kaniyang bayan ay nasakop sa lahat ng sulok:
32 At ang mga tawiran ay nangasapol, at ang mga tambo ay nangasunog ng apoy, at ang mga lalaking mangdidigma ay nangatakot.
33 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan ng panahong yaon ng niyayapakan; sangdali na lamang, at ang panahon ng pagaani ay darating sa kaniya.
34 Nilamon ako ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, kaniyang pinisa ako, kaniyang ginawa akong sisidlan na walang laman, ako'y sinakmal niyang parang buwaya, kaniyang binusog ang kaniyang tiyan ng aking mga masarap na pagkain; kaniyang itinakuwil ako.
35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking laman ay mahulog nawa sa Babilonia, sasabihin ng taga Sion; at, Ang dugo ko ay mahulog nawa sa mga nananahan sa Caldea, sasabihin ng Jerusalem.
36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ipakikipaglaban ang iyong usap, at igaganti kita; at aking tutuyuin ang kaniyang dagat, at gagawin ko siyang bukal na tuyo.