51 Kami ay nangapahiya, sapagka't kami ay nangakarinig ng kakutyaan; kalituhan ay tumakip sa aming mga mukha: sapagka't ang mga taga ibang lupa ay pumasok sa mga santuario ng bahay ng Panginoon.
52 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y maglalapat ng kahatulan sa kaniyang mga larawang inanyuan; at sa buong lupain niya ay dadaing ang nasugatan.
53 Bagaman ang Babilonia ay umilanglang hanggang sa langit, at bagaman kaniyang patibayin ang kataasan ng kaniyang kalakasan, gayon ma'y darating sa kaniya ang mga manglilipol na mula sa akin, sabi ng Panginoon.
54 Ang ingay ng hiyaw na mula sa Babilonia, at ng malaking paglipol na mula sa lupain ng mga Caldeo!
55 Sapagka't ang Panginoon ay nananamsam sa Babilonia, at nanglilipol doon ang dakilang tinig; at ang mga alon ng mga yaon ay nagsisihugong na parang maraming tubig; ang hugong ng kanilang kaingay ay lumabas:
56 Sapagka't ang manglilipol ay dumating doon, sa Babilonia, at ang mga makapangyarihang lalake niyaon ay nangahuli, ang kanilang mga busog ay nagkaputolputol: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng mga kagantihan, siya'y tunay na magbabayad.
57 At aking lalanguhin ang kaniyang mga prinsipe at ang kaniyang mga pantas, ang kaniyang mga gobernador at ang kaniyang mga kinatawan, at ang kaniyang mga makapangyarihan; at siya'y matutulog ng walang hanggang pagtulog, at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.