3 Sapagka't nabigyan na ni Moises ng mana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa dako roon ng Jordan: nguni't sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na mana sa kanila.
4 Sapagka't ang mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi ang Manases at ang Ephraim: at hindi sila nagbigay ng bahagi sa mga Levita sa lupain, liban ang mga bayan na matahanan, pati ng mga nayon niyaon sa kanilang hayop at sa kanilang pag-aari.
5 Kung paano iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang binahagi ang lupain.
6 Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal: at sinabi sa kaniya ni Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo, Iyong talastas ang bagay na sinalita ng Panginoon kay Moises na lalake ng Dios, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Cades-barnea.
7 Ako'y may apat na pung taon nang ako'y suguin ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Cades-barnea upang tiktikan ang lupain; at aking dinalhan ng sagot siya ng gaya ng nasa aking puso.
8 Gayon ma'y pinapanglumo ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan: nguni't ako'y lubos na sumunod sa Panginoon kong Dios.
9 At si Moises ay sumumpa nang araw na yaon, na nagsasabi, Tunay na ang lupain na tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang mana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man, sapagka't sumunod kang lubos sa Panginoon kong Dios.