12 At ang hangganang kalunuran ay ang malaking dagat, at ang hangganan niyaon. Ito ang hangganan ng mga anak ni Juda sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.
13 At kay Caleb na anak ni Jephone ay nagbigay siya ng isang bahagi sa gitna ng mga anak ni Juda, ayon sa utos ng Panginoon kay Josue, sa makatuwid baga'y ang Chiriath-arba, na siyang Arba na ama ni Anac (na siya ring Hebron).
14 At pinalayas ni Caleb mula roon ang tatlong anak ni Anac: si Sesai, si Aiman at si Talmai, na mga anak ni Anac.
15 At siya'y sumampa mula roon laban sa mga taga Debir: ang pangalan nga ng Debir nang una ay Chiriath-sepher.
16 At sinabi ni Caleb, Ang sumakit sa Chiriath-sepher at sumakop, sa kaniya ko papagaasawahin si Axa na aking anak na babae.
17 At sinakop ni Othoniel na anak ni Cenez, na kapatid ni Caleb: at pinapagasawa niya sa kaniya si Axa na kaniyang anak na babae.
18 At nangyari, nang si Axa ay malakip sa kaniya, na kinilos nito siya na humingi sa kaniyang ama ng isang parang: at siya'y bumaba sa kaniyang asno, at sinabi ni Caleb sa kaniya, Anong ibig mo?