Josue 22:27-33 TLAB

27 Kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya ng aming mga handog na susunugin at ng aming mga hain at ng aming mga handog tungkol sa kapayapaan; upang huwag masabi ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.

28 Kaya't sinabi namin, Mangyayari na pagka kanilang sasabihing gayon sa amin o sa aming lahi sa panahong darating, ay aming sasabihin, Narito ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga magulang, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain: kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.

29 Malayo nawa sa amin na kami ay manghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pagtatayo ng isang dambana para sa handog na susunugin, para sa handog na harina, o para sa hain bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios na nasa harap ng kaniyang tabernakulo.

30 At nang marinig ni Phinees na saserdote, at ng mga prinsipe ng kapisanan ng mga pangulo ng mga libolibo ng Israel na kasama niya, ang mga salita na sinalita ng mga anak ni Ruben, at ng mga anak ni Gad, at ng mga anak ni Manases, ay nakalugod na mabuti sa kanila.

31 At sinabi ni Phinees na anak ni Eleazar na saserdote sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Manases, Sa araw na ito ay talastas namin, na ang Panginoon ay nasa gitna natin, sapagka't kayo'y hindi nagkasala ng pagsalangsang na ito laban sa Panginoon: inyo ngang iniligtas ang mga anak ni Israel sa kamay ng Panginoon.

32 At si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote at ang mga prinsipe, ay nagsibalik na mula sa mga anak ni Ruben, at mula sa mga anak ni Gad, sa lupain ng Galaad, na tumungo sa lupain ng Canaan, sa mga anak ni Israel, at binigyan nilang sagot.

33 At ang bagay ay nakalugod sa mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Dios at hindi na nagsalita pa ng pagsampa laban sa kanila na bumaka na gibain ang lupain na kinatatahanan ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad.