14 Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga dios na mga pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.
15 At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.
16 At ang bayan ay sumagot at nagsabi, Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:
17 Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:
18 At itinaboy ng Panginoon sa harap natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amorrheo na tumahan sa lupain: kaya't kami ay maglilingkod din sa Panginoon; sapagka't siya'y ating Dios.
19 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y hindi makapaglilingkod sa Panginoon; sapagka't siya'y isang banal na Dios; siya'y mapanibughuing Dios; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsalangsang ni ang inyong mga kasalanan.
20 Kung inyong pabayaan ang Panginoon, at maglingkod sa ibang mga dios: ay hihiwalay nga siya at gagawan kayo ng kasamaan at lilipulin kayo pagkatapos na kaniyang nagawan kayo ng mabuti.