25 Sa gayo'y nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na yaon, at nilagdaan niya sila ng palatuntunan at ng ayos sa Sichem.
26 At sinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Dios; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng encina na nasa tabi ng santuario ng Panginoon.
27 At sinabi ni Josue sa buong bayan, Narito, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagka't narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa atin: ito nga'y magiging saksi laban sa inyo, baka ninyo itakuwil ang inyong Dios.
28 Sa gayo'y pinapagpaalam ni Josue ang bayan, bawa't isa sa kaniyang mana.
29 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Josue, na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon, ay namatay na may isang daan at sangpung taon ang gulang.
30 At inilibing nila siya sa hangganan ng kaniyang mana sa Timnath-sera, na nasa lupaing maburol ng Ephraim sa hilagaan ng bundok ng Gaas.
31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue at nakilala ang lahat na gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel.