10 Wala baga tayong lahat na isang ama? hindi baga isang Dios ang lumalang sa atin? bakit tayo nagsisigawa ng paglililo bawa't isa laban sa kaniyang kapatid, na nilalapastangan ang tipan ng ating mga magulang?
11 Ang Juda'y gumawa ng paglililo, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagka't nilapastangan ng Juda ang santuario ng Panginoon, na kaniyang iniibig, at nagasawa sa anak na babae ng ibang dios.
12 Ihihiwalay ng Panginoon ang taong gumawa nito, ang gumigising at ang sumasagot, mula sa mga tolda ng Jacob, at ang naghahandog ng handog sa Panginoon ng mga hukbo.
13 At ito'y muli ninyong ginagawa: inyong tinatakpan ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng tangis, at ng buntong hininga, na anopa't hindi na niya nililingap ang handog ni tinatanggap man sa inyong kamay na may lugod.
14 Gayon ma'y inyong sinasabi, Bakit? Sapagka't ang Panginoon ay naging saksi sa iyo at sa asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng paglililo, bagaman siya'y iyong kasama, at siyang asawa ng iyong tipan.
15 At di baga siya'y gumawa ng isa, bagaman siya'y may labis na Espiritu? At bakit isa? Kaniyang hinanap ang lahing maka Dios. Kaya't ingatan ninyo ang inyong kalooban, at huwag nang manglilo laban sa asawa ng kaniyang kabataan.
16 Sapagka't aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, at siya na nagtatakip ng kaniyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo: kaya't ingatan ninyo ang inyong kalooban na huwag kayong magsalita na may paglililo.