1 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at sagutin mo ako; sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan.
2 Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo.
3 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka't sa iyo'y dumadaing ako buong araw.
4 Bigyan mong galak ang kaluluwa ng iyong lingkod; sapagka't sa iyo, Oh Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
5 Sapagka't ikaw, Panginoon, ay mabuti, at mapagpatawad, at sagana sa kagandahang-loob sa lahat na tumatawag sa iyo.
6 Dinggin mo, Oh Panginoon, ang aking dalangin; at pakinggan mo ang tinig ng aking mga pananaing.
7 Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo; sapagka't iyong sasagutin ako.