28 At itutubos ng saserdote sa taong nagkamali, kung tunay na siya'y nagkasala ng walang malay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya; at siya'y patatawarin.
29 Kayo'y magkakaroon ng isang kautusan sa kaniya na nagkasala ng walang malay, sa kaniya na ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila.
30 Nguni't ang tao na makagawa ng anoman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kaniyang bayan.
31 Sapagka't kaniyang hinamak ang salita ng Panginoon, at kaniyang sinira ang kaniyang utos; ang taong yaon ay lubos na ihihiwalay, ang kaniyang kasamaan ay tataglayin niya.
32 At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.
33 At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.
34 At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.