13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka't ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya'y magiging marumi; ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.
14 Ito ang kautusan pagka ang isang tao ay namamatay sa isang tolda: lahat na pumapasok sa tolda at lahat na nasa tolda ay magiging maruming pitong araw.
15 At bawa't sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon, ay marumi.
16 At sinomang humipo sa luwal na parang ng alin mang pinatay ng tabak, o ng bangkay, o ng buto ng tao, o ng libingan, ay magiging maruming pitong araw.
17 At sa taong marumi, ay kukuha sila ng mga abo sa sunog niyang handog dahil sa kasalanan, sa mga yaon ay ilalagay ang tubig na buhay sa isang sisidlan.
18 At isang malinis na tao ay kukuha ng isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:
19 At iwiwisik ng taong malinis sa marumi sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw: at lilinisin niya siya sa ikapitong araw; at siya'y maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo sa tubig at magiging malinis sa hapon.