11 Ngayon nga ay tumakas ka sa iyong sariling dako: aking inisip na itaas kita sa dakilang karangalan; nguni't, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan.
12 At sinabi ni Balaam kay Balac, Di ba sinalita ko rin sa iyong mga sugo na iyong sinugo sa akin, na sinasabi,
13 Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon, na gumawa ako ng mabuti o masama sa aking sariling akala; kung ano nga ang salitain ng Panginoon, ay siya kong sasalitain?
14 At ngayon, narito, ako'y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.
15 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Nagsabi si Balaam na anak ni Beor, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;
16 Siya'y nagsabi, na nakarinig ng mga salita ng Dios, At nakaalam ng karunungan ng Kataastaasan, Na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:
17 Aking makikita siya, nguni't hindi ngayon; Aking mapagmamasdan siya, nguni't hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.