1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
2 Bukod sa rito ay ipagdiwang ng mga anak ni Israel ang paskua sa kaniyang kaukulang panahon.
3 Sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipagdidiwang sa kaniyang kaukulang panahon: ayon sa lahat na palatuntunan niyaon, at ayon sa lahat ng ayos niyaon, ay inyong ipagdidiwang.
4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua.
5 At kanilang ipinagdiwang ang paskua nang unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6 At may mga lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa't hindi nila naipagdiwang ang paskua nang araw na yaon; at nagsiharap sila kay Moises at kay Aaron nang araw na yaon:
7 At ang mga lalaking yaon ay nagsipagsabi sa kanila, Kami ay mga marumi dahil sa bangkay ng isang tao: bakit kami ay masasansala na anopa't kami ay huwag maghandog ng alay sa Panginoon sa kaniyang kaukulang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?