1 At may isang lalake sa lupaing maburol ng Ephraim, na ang pangala'y Michas.
2 At sinabi niya sa kaniyang ina, Ang isang libo at isang daang putol na pilak na kinuha sa iyo, na siyang ikinapagtungayaw mo, at sinalita mo rin sa aking mga pakinig, narito, ang pilak ay nasa akin; aking kinuha. At sinabi ng kaniyang ina, Pagpalain nawa ng Panginoon ang aking anak.
3 At isinauli niya ang isang libo at isang daang putol na pilak sa kaniyang ina, at sinabi ng kaniyang ina, Aking tunay na itinalaga ng aking kamay ang pilak na ito sa Panginoon, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan at ng isang larawang binubo: kaya ngayo'y isasauli ko sa iyo.
4 At nang kaniyang isauli ang salapi sa kaniyang ina, ay kinuha ng kaniyang ina ang dalawang daang putol na pilak na ibinigay sa mga mangbububo, na siyang gumawa ng isang larawang inanyuan at ng isang larawang binubo: at nasa bahay ni Michas.
5 At ang lalaking si Michas ay nagkaroon ng isang bahay ng mga dios, at siya'y gumawa ng isang epod at mga terap at itinalaga ang isa ng kaniyang mga anak, na maging kaniyang saserdote.
6 Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel: bawa't tao'y gumagawa ng minamatuwid niya sa kaniyang sariling mga mata.