1 Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel: at nang panahong yaon ay humahanap ang lipi ng mga Danita, ng isang mana na matatahanan; sapagka't hanggang sa araw na yaon, ay hindi nahuhulog sa mga lipi ng Israel ang kanilang mana.
2 At ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalake ng kanilang angkan, sa kanilang kabuoang bilang, ng mga lalaking may tapang, na mula sa Sora, at sa Esthaol, upang tiktikan ang lupain, at kilalanin; at sinabi nila sa kanila, Kayo'y yumaon, at inyong kilalanin ang lupain. At sila'y naparoon sa lupaing maburol ng Ephraim, sa bahay ni Michas, at tumuloy roon.
3 Nang sila'y malapit sa bahay ni Michas, ay nakilala nila ang tinig ng binatang Levita: at sila'y lumiko roon, at sinabi nila sa kaniya, Sinong nagdala sa iyo rito? at ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? at anong mayroon ka rito?
4 At sinabi niya sa kanila, Ganito't ganito ang ginawa sa akin ni Michas, at kaniyang kinayaring upahan ako, at ako'y naging kaniyang saserdote.
5 At sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na usisain mo sa Dios, upang aming maalaman, kung ang aming lakad ay papalarin.
6 At sinabi ng saserdote sa kanila, Yumaon kayong payapa: nasa harap ng Panginoon ang daang inyong nilalakaran.
7 Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalake at dumating sa Lais, at nakita ang bayan na naroon, kung paanong sila'y tumatahan sa katiwasayan, na gaya ng mga Sidonio, na tahimik at tiwasay: sapagka't wala sa lupain na nagaaring may kapangyarihan na makapagbibigay kahihiyan sa alin mang bagay, at malayo sa mga Sidonio, at walang pagkikipagkasundo sa kaninoman.