11 Si Heber nga na Cineo ay humiwalay sa mga Cineo, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Hobab, na biyanan ni Moises, at itinayo ang kaniyang tolda hanggang sa encina sa Zaananim, na nasa siping ng Cedes.
12 At kanilang isinaysay kay Sisara na si Barac na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor.
13 At pinapagpisang magkakasama ni Sisara ang lahat niyang mga karo, na siyam na raang karong bakal, at ang buong bayan na kasama niya, mula sa Haroseth ng mga bansa hanggang sa ilog Cison.
14 At sinabi ni Debora kay Barac, Tumindig ka; sapagka't ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisara sa iyong kamay: hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo? Sa gayo'y lumusong si Barac mula sa bundok ng Tabor, at sangpung libong lalake ang kasunod niya.
15 At nilansag ng Panginoon si Sisara, at lahat ng mga karo niya, at ang buong hukbo niya, ng talim ng tabak sa harap ni Barac; at lumunsad si Sisara sa kaniyang karo, at tumakas na tumakbo.
16 Nguni't hinabol ni Barac ang mga karo, at ang hukbo, hanggang sa Haroseth ng mga bansa: at ang buong hukbo ni Sisara ay nahulog sa talim ng tabak; walang lalaking nalabi.
17 Gayon ma'y tumakas si Sisara na tumakbo sa tolda ni Jael na asawa ni Heber na Cineo; sapagka't may kapayapaan si Jabin na hari sa Asor at ang sangbahayan ni Heber na Cineo.