3 Kaniyang inihiwalay sa pamamagitan ng mabangis na galit ang buong sungay ng Israel; kaniyang iniurong ang kaniyang kanang kamay sa harap ng kaaway: at kaniyang sinilaban ang Jacob na parang maalab na apoy, na namumugnaw sa palibot.
4 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog na parang kaaway, kaniyang iniyamba ang kaniyang kanan na parang kalaban, at pinatay ang lahat na maligaya sa mata: sa tolda ng anak na babae ng Sion ay kaniyang ibinuhos ang kaniyang kapusukan na parang apoy.
5 Ang Panginoon ay naging parang kaaway, kaniyang nilamon ang Israel; kaniyang nilamon ang lahat niyang palacio, kaniyang iginiba ang kaniyang mga katibayan; at kaniyang pinarami sa anak na babae ng Juda ang panangis at panaghoy.
6 At kaniyang inalis na may karahasan ang tabernakulo niya na gaya ng nasa halamanan; kaniyang sinira ang kaniyang mga dako ng kapulungan: ipinalimot ng Panginoon ang takdang kapulungan at sabbath sa Sion, at hinamak sa pagiinit ng kaniyang galit ang hari at ang saserdote.
7 Iniwasak ng Panginoon ang kaniyang dambana, kaniyang kinayamutan ang kaniyang santuario; kaniyang ibinigay sa kamay ng kaaway ang mga pader ng kaniyang mga palacio: sila'y nangagingay sa bahay ng Panginoon, na parang kaarawan ng takdang kapulungan.
8 Ipinasiya ng Panginoon na gibain ang kuta ng anak na babae ng Sion; kaniyang iniladlad ang lubid, hindi niya iniurong ang kaniyang kamay sa paggiba: at kaniyang pinapanaghoy ang moog at ang kuta; nanganglulupaypay kapuwa.
9 Ang kaniyang mga pintuang-bayan ay nangabaon sa lupa; kaniyang giniba at nasira ang kaniyang mga halang: ang kaniyang hari at ang kaniyang mga prinsipe ay nangasa gitna ng mga bansa na hindi kinaroroonan ng kautusan; Oo, ang kaniyang mga propeta ay hindi nangakakasumpong ng pangitaing mula sa Panginoon.