Mga Panaghoy 2:5-11 TLAB

5 Ang Panginoon ay naging parang kaaway, kaniyang nilamon ang Israel; kaniyang nilamon ang lahat niyang palacio, kaniyang iginiba ang kaniyang mga katibayan; at kaniyang pinarami sa anak na babae ng Juda ang panangis at panaghoy.

6 At kaniyang inalis na may karahasan ang tabernakulo niya na gaya ng nasa halamanan; kaniyang sinira ang kaniyang mga dako ng kapulungan: ipinalimot ng Panginoon ang takdang kapulungan at sabbath sa Sion, at hinamak sa pagiinit ng kaniyang galit ang hari at ang saserdote.

7 Iniwasak ng Panginoon ang kaniyang dambana, kaniyang kinayamutan ang kaniyang santuario; kaniyang ibinigay sa kamay ng kaaway ang mga pader ng kaniyang mga palacio: sila'y nangagingay sa bahay ng Panginoon, na parang kaarawan ng takdang kapulungan.

8 Ipinasiya ng Panginoon na gibain ang kuta ng anak na babae ng Sion; kaniyang iniladlad ang lubid, hindi niya iniurong ang kaniyang kamay sa paggiba: at kaniyang pinapanaghoy ang moog at ang kuta; nanganglulupaypay kapuwa.

9 Ang kaniyang mga pintuang-bayan ay nangabaon sa lupa; kaniyang giniba at nasira ang kaniyang mga halang: ang kaniyang hari at ang kaniyang mga prinsipe ay nangasa gitna ng mga bansa na hindi kinaroroonan ng kautusan; Oo, ang kaniyang mga propeta ay hindi nangakakasumpong ng pangitaing mula sa Panginoon.

10 Ang mga matanda ng anak na babae ng Sion ay nangauupo sa lupa, sila'y nagsisitahimik; sila'y nangagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo; sila'y nangagbigkis ng kayong magaspang: itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa.

11 Pinangangalumata ng mga luha ang aking mga mata, namamanglaw ang aking puso, ako'y lubhang nahahapis, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan, dahil sa ang mga bata at ang mga pasusuhin ay nanganglulupaypay sa mga lansangan ng bayan.