1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hachalias. Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa ikadalawang pung taon, samantalang ako'y nasa bahay-hari sa Susan.
2 Na si Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.
4 At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako'y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako'y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.
5 At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos: