Nehemias 10:34-39 TLAB

34 At kami ay nangagsapalaran, ang mga saserdote, ang mga Levita, at ang bayan, dahil sa kaloob na panggatong upang dalhin sa bahay ng aming Dios, ayon sa mga sangbahayan ng aming mga magulang sa mga panahong takda, taon-taon, upang sunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon naming Dios, gaya ng nasusulat sa kautusan.

35 At upang dalhin ang mga unang bunga ng aming lupa, at ang mga unang bunga ng lahat na bunga ng sarisaring puno ng kahoy, taon-taon, sa bahay ng Panginoon:

36 Gayon din ang panganay sa aming mga anak na lalake, at sa aming hayop, gaya ng nasusulat sa kautusan, at ang mga panganay sa aming bakahan at sa aming mga kawan, upang dalhin sa bahay ng aming Dios, sa mga saserdote, na nagsisipangasiwa sa bahay ng aming Dios:

37 At upang aming dalhin ang mga unang bunga ng aming harina, at ang aming mga handog na itataas, at ang bunga ng sarisaring punong kahoy, ang alak, at ang langis, sa mga saserdote, sa mga silid ng bahay ng aming Dios; at ang ikasangpung bahagi ng aming lupa sa mga Levita; sapagka't sila, na mga Levita, ay nagsisikuha ng mga ikasangpung bahagi sa lahat na aming mga bayan na bukiran.

38 At ang saserdote na anak ni Aaron ay sasama sa mga Levita, pagka ang mga Levita ay nagsisikuha ng mga ikasangpung bahagi; at isasampa ng mga Levita ang ikasangpung bahagi ng mga ikasangpung bahagi sa bahay ng aming Dios, sa mga silid sa loob ng bahay ng kayamanan.

39 Sapagka't ang mga anak ni Israel, at ang mga anak ni Levi ay mangagdadala ng mga handog na itataas, na trigo, alak, at langis, sa mga silid, na kinaroroonan ng mga sisidlan ng santuario, at ng mga saserdote na nagsisipangasiwa, at ng mga tagatanod-pinto, at ng mga mangaawit: at hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Dios.