23 Ang mga anak ni Levi, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, ay nangasulat sa aklat ng mga alaala, hanggang sa mga kaarawan ni Johanan na anak ni Eliasib.
24 At ang mga pinuno ng mga Levita: si Hasabias, si Serabias, si Jesua na anak ni Cadmiel, na may mga kapatid na nangasa tapat nila upang magsipuri at nangagpasalamat, ayon sa utos ni David na lalake ng Dios, sa pulutong at pulutong.
25 Si Mathanias, at si Bucbucias, si Obadias, si Mesullam, si Talmon, si Accub, ay mga tagatanod-pinto, na nangagbabantay sa mga kamalig ng mga pintuang-bayan.
26 Ang mga ito'y sa mga kaarawan ni Joiacim, na anak ni Jesua, na anak ni Josadac, at sa mga kaarawan ni Nehemias na tagapamahala, at ng saserdoteng Ezra na kalihim.
27 At sa pagtatalaga ng kuta ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita mula sa lahat nilang dako upang dalhin nila sila sa Jerusalem, na ipagdiwang ang pagtatalaga na may kasayahan, na may mga pagpapasalamat, at may mga awitan din may mga cimbalo, mga salterio, at may mga alpa.
28 At ang mga anak ng mga mangaawit ay nagpipisan mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem, at mula sa mga nayon ng mga Netophatita;
29 Mula rin naman sa Beth-gilgal, at mula sa mga parang ng Geba at ng Azmaveth: sapagka't nangagtayo sa ganang kanila ang mga mangaawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem.