1 Nang araw na yaon ay bumasa sila sa aklat ni Moises sa pakinig ng bayan; at doo'y nasumpungang nakasulat, na ang Ammonita at Moabita, ay huwag papasok sa kapulungan ng Dios magpakailan man.
2 Sapagka't hindi nila sinalubong ang mga anak ni Israel ng tinapay at ng tubig, kundi inupahan si Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila: gayon ma'y pinapaging pagpapala ng aming Dios ang sumpa.
3 At nangyari, nang kanilang marinig ang kautusan, na inihiwalay nila sa Israel ang buong karamihang halohalo.
4 Bago nga nangyari ito, si Eliasib na saserdote, na nahalal sa mga silid ng bahay ng aming Dios, palibhasa'y nakipisan kay Tobias.
5 Ay ipinaghanda siya ng isang malaking silid, na kinasisidlan noong una ng mga handog na harina, ng mga kamangyan, at ng mga sisidlan, at ng mga ikasangpung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis, na nabigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto; at ang mga handog na itataas na ukol sa mga saserdote.
6 Nguni't sa buong panahong ito ay wala ako sa Jerusalem: sapagka't sa ikatatlong pu't dalawang taon ni Artajerjes na hari sa Babilonia ay naparoon ako sa hari, at pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari:
7 At ako'y naparoon sa Jerusalem, at naalaman ko ang kasamaang ginawa ni Eliasib tungkol kay Tobias, sa paghahanda niya sa kaniya ng isang silid sa mga looban ng bahay ng Dios.